Rememorer
Pagpalain Ka Nawa, Pilipinas!
Saturday, May 8, 2010 • 4:49 AM • 0 comments


Nalalapit na ang Eleksyon. Paulit-ulit ko na namang naririnig ang kanya-kanyang kampanya ng mga pulitiko. Kanya-kanyang pauso, kanya-kanyang pakulo. Sana ay hindi mauwi sa wala ang kanilang mga pangako. Sana naman ay huwag lang puro pagpapaasa ang matamo ng mga Pilipinong nagnanais ng pagbabago.

Mahirap pero hindi impossible. Huwag sana mawalan ng pag-asa ang Pilipinas. Maging matalino sa pagboto. Gamitin sa tamang paraan ang karapatan. Hindi na mahalaga kung manalo o matalo ang iyong napupusuang kandidato, ang mahalaga ay ito ay pinag-isipan batay sa makabayang pagmamahal at layunin hindi dahil sa popularidad.

Huwag sanang magkaroon ng malawakang dayaan para sa posisyong pinagdedesisyunan ng bayan. Huwag sana tayong matabunan ng mga trapo at buwaya na tanging hangad lang ay ang pansariling interes. Boboto na naman ba tayo ng isang manlilinlang? Nasa iyo ang sagot. Maaring ikaw ang pumatay sa kanila o sila ang tuluyang kakain sa iyo.

Ako'y isang estudyante pa lamang. Wala pa sa tamang edad para bumoto. Hawak ngayon ng mga kasalukuyang botante ang hinahangad na pagbabago ng lahat. Sa ngayon ay wala pa akong magagawa kung hindi kilatisin maiigi ang mga kandidato, isipin ang mga nagawa ng bawat isa para sa bayan at paniwalaan ang nararamdaman.

Nangangailangan tayo ng lider na walang pinapanigan-mayaman o mahirap man. Isang lider na kayang tuparin ang kanyang mga pangako. Isang lider na kayang maging boses ng mga taong tuluyang napipi ng kahirapan. Isang lider na bayan ang unang iniisip bago ang sarili. Isang lider na hihilom sa lahat ng sugat ng kahapon at magbibigay pag-asa na kayang umahon ng bayang nililiyag. Isang lider na magpapadama ng tunay na pag-asa't pagmamahal sa bayan at sa mga susunod na henerasyon.

Muli, makiisa at bumoto para sa pagbabago. Pagpalain Ka Nawa, Pilipinas. Mabuhay!



Gladys/22 years old/Philippines

Im beyond your peripheral vision and aiming for art school.Im a provinciana girl at heart. I do think too much and contradicts myself most of the time.The internet doesn't speak for itself. There's more than meets the eye.