Rememorer
Kung Bakit Anti-Estudyante Ang Evals
Wednesday, April 18, 2012 • 6:37 AM • 0 comments

This is note written by my senior whose taking up Bachelor of Accountancy at PUP . This note already receive high praises due to its honesty about the feelings of accountancy students' of our University and at the same time the urge to persevere even though failure already hit you up.

I felt like this note describes perfectly the story of my life in the University. Those sleepless nights, efforts and everything that you do to pass all your subjects but still failing to get a satisfying result, I can relate to all of them. The fear of not being able to graduate in time has been occurring to me most of the time but this note changes it all. So here, let me share to you how inspiring this note is :)






Kung Bakit Anti-Estudyante Ang Evals
by: Maria La Derpina

'Nung araw na dumating 'yung photographer sa school na kukuha ng mga "toga-pics" namin, pakiramdam ko huminto 'yung tibok ng puso ko. Napamura ko bigla gayong hindi naman talaga ako nagmumura (at take note, 'yung pinakamalutong na mura pa na hindi kayang tanggapin ng tenga mo). Sabi ko sa sarili ko "'T*ng*n*, malapit na."

Kapag iniisip ko na malapit na ko grumaduate, parang gusto ko tumakbo nang tumakbo hanggang sa mapatay ng hingal 'yung sobrang excitement sa puso ko - gusto kong patayin panandalian kasi dahil dito, hindi ako makatulog at hindi ako makakain. Sobrang excited na wala na kong ibang gustong gawin kundi isipin na lang ang graduation. Hindi ko lang pinapahalata sa mga kaklase ko kasi wala lang, nahihiya ako eh. Pero alam ko rin naman na sa ganitong klase ng pakiramdam, hindi ako nag-iisa.

Hindi naman sa pagyayabang, pero kampante talaga ako na gagraduate ako. 'Ni hindi nga ako nag-SQE (Special Qualifying Exam) eh. (Para sa mga 'di pa nakakaalam tungkol sa SQE, ito po ay isang exam na kinukuha ng mga first year at second year Accountancy students sa PUP kapag lumagpas sa 2.00 ang grades nila sa Accounting, English, Math, at LAw subjects na kailangan nilang ipasa para manatili sa College of Accountancy.) Ay mali! Nag-SQE pala ko pero sa Computer lang. Eh sus, 'nung mga oras na 'yun, may mga mahiwagang reviewer na lumilibot sa buong kaharian ng college namin at isa ako sa mga nabiyayaan, swerte naman na parehong-pareho ang mga tanong kaya ayun, mukhang naperfect ko pa. Dos lahat ng nakuha ko sa mga accounting subjects ko sa mula first to second year, nag-Dean's lister pa nga ako 'nung mga panahon na 'yun. Kaya talagang iniisip ko, gagraduate ako. 'Yung mga naka-tres nga sa mga accounting subjects, kaklase ko pa hanggang 4th year (kagrupo ko pa sa thesis), eh ako pa ba hindi gagraduate? Kalokahan.

Hindi rin naman nagtagal at dumating na 'yung Evaluation Exams (Evals). 'Nung First Year ako, 'pag naririnig kong binabanggit 'yun ng mga seniors, parang pakiramdam ko nasa death row sila, o kaya naman malapit na ma-silya-elektrika (patay, mali sfelling). Kung ituring kasi nila 'yung nasabing exam, kala mo nasa pagitan sila ng life and death, at wife and kabet (ha?). Hanggang sa ayun na, kami naman ngayon ang kukuha ng nasabing Evals. (insert-voltes-five-tune-here)

Pero kasi, ngayong third year at fourth year, ewan ko ba, parang sumablay-sablay ako. Nahirapan talaga ako sa mga subjects. Ewan ko sa iba, pero ako pakiramdam ko nahirapan mag-adjust 'yung utak ko mula sa paisa-isang accounting subjects lang 'nung first year at second year, hanggang sa PAK! - lima-lima na 'nung third year at fourth year (ay parang 32-32 pa ata). Dagdag pa nito, may mga prof pa kami na masyadong masisipag. Masipag magpareport (tapos siya mismo hindi), masipag magpa-quiz ( ng mga lessons na "HA?? Saang encyclopedia kinuha to???"), at masipag magpa-assignment. 'Yung mga iba na hindi tinuturo, wala, nilalaktawan ko na lang. Pano, 'yung mga ibang kaklase ko ganun din naman, damay-damay na. Kaya pagdating sa mga quizes at departmental exams, madalas pasang-awa ako o kaya naman.. pasang-awa. Pero hindi ako bumagsak, ha!

Ang naging eksena ko 'nung mga panahon na 'yun, kada tapos ng isang subject sa isang sem (lalo na 'nung Third year), kinakalimutan ko na, o kaya mas okay sabihin na hindi ko na iniisip, tapos na eh. Kung sakaling kailanganin, edi balikan, mapag-aaralan naman ang lahat. Pero hindi naman ibig sabihin na tamad ako. Sa totoo nga, gumigising ako sa umaga ng alas-siete, pero mga 8am na ko nagsisimulang mag-aral kasi may sarili akong flag ceremony, tapos nasa harap na ako ng mga libro ko hanggang sa mag ala-una na ng madaling araw, kumbaga, dighay lang ang pahinga.. at buntung-hininga. Kaso may mga ilang lessons talaga na hirap ako intindihin. Kaya may mga exams tuloy na pasang-awa ako. Again - pasang awa, hindi bagsak!

Mabalik tayo sa evals (kung san-san mo kasi dinadala ang usapan). So ayun nga, edi exam na. Alam ko prepared ako eh. Tulad ng kaibigan ko, nag-sunog din ako ng kilay (literally). Sobrang review talaga ako. May mga ilan na hindi ko talaga magets pero siguro konti lang naman 'yung mga ganun na lalabas sa exam. Kampante ako, tapos ka-room ko pa 'yung crush ko, kung di ka ba naman ganahan 'pag ganon. Hehehe. Binigay na 'yung mga exam..naks! Multiple choice. Haha. Hanggang sa nagsimula na ko makipag-bunong braso sa mga tanong. Nagsagot ako nang nagsagot.. nagsolve nang nag-solve, naniwalang sa pagitang ng True at False, False ang mananaig (o kaya naman True), naglaktaw ng ilang hindi ko talaga masagot kahit humingi pa ko ng tulong sa mga alien at syempre kay Lord, tapos binalikan ko 'yung mga laktaw.. hanggang sa nagsalita na ang monster, I mean, 'yung Proctor namin (peace!), na malapit na daw matapos ang lethal injection kaya ayun, hinulaan ko na lang din sa bandang huli. Ako kasi, kapag hindi ko talaga alam, titingin ako sa paligid at kung anong letter ang una kong makita, 'yun ang isasagot ko, o 'pag wala, first letter ng name ng crush ko.. D! Haha! Hanggang sa mairaos ko. Alam ko, "konti" lang 'yung hinulaan ko.

Hanggang sa lumabas na 'yung resulta ng unang evals at muli, napamura ko. Hindi ako makapaniwala - bagsak ako. Shet na malupet! Baka na-engkanto lang 'yung scanning machine, o kaya naman inisip ko estudyante lang nag-check (at hindi napa-merienda). Kaso wala eh. Bagsak pala talaga ko. Pero nakita ko ang paligid, infairness, I was so not alone! Kaya keri lang. May pag-asa pa. May tatlo pa (shit, tatlo na lang?). Hindi pa nauubos ang oras. Nararamdaman ko pa rin naman ang sarili kong heartbeat. Kaya tuloy lang. Review pa hanggang mamatay... sa kape.

Tapos dumating na 'yung ibang family members ng evals, palibhasa mga mayayaman kaya kelangan ng special treatment. Muli, nag-aral ako nang nag-aral nang nag-aral para mapasa ang punyetang exams (oops). Kaso nakakaasar talaga, may mga lessons talaga na hindi ko maitindihan eh, anak ng kubeta talaga. Hanggang sa natapos isa-isa ang mga exams.. hindi ko na inalam ang mga scores ko. Buti na lang may 7-Eleven sa kanto ng school, Magnum-magnum na lang din bilang pampalubag-loob, sabay picture at post sa Facebook. Like. Comment. Report as Spam.

Biglang bigayan na ng mga Toga-Pics. Shet again, ang ganda ko! Walang kasing-kinis.. pwede nang tabihan nang malaking square na bato na may "In Loving Memory of..". Nakakaproud tignan ang sarili ko na naka-itim na toga. Pero kasabay ng pag-ngiti ko sa sarili kong larawan, may nakita akong patak ng tubig sa may bandang logo ng school namin. Naiiyak na pala ko. Naiiyak ako kasi hindi ko na sigurado ang lahat. Natatakot ako. Ni hindi nga alam ng nanay ko na may picture na akong ganito. Ayokong bigla siyang pasiyahin nang sobra at bigla ko rin namang papatayin lahat ng pag-asa niya. Hangga't hindi pa ako sigurado.. itatago ko muna ang picture ko. Pero pramis, ang ganda ko talaga 'dun ha.

Hanggang sa nagsilabasan na ang lahat ng grades..

Hanggang sa ilabas na ang listahan ng pangalan ng mga gagraduate..

Sorry Mama at Papa. Hindi pa ako gagraduate.

Ang sakit-sakit isipin, kung pwede ko lang sana dukutin 'yung puso ko at himasin para kumalma. Hindi ko maihalintulad 'yung sakit, lungkot at 'yung nararamdaman kong kahihiyan sa puso ko. Umiyak ako nang umiyak. Inaway ko pa si Lord, sabi ko sa kanya "Sobra ka!" with matching "hhmmmp!". Pakiramdam ko kahit saan ako magpunta, maiiyak ako. Para akong namatayan - namatayan nang pag-asa na matupad ang mga pangarap kong masusi kong binuo sa loob nang napakaraming taon. Gusto kong sisisihin ang lahat. 'Yung mga prof ko na wala namang kwenta, hindi naman nagtuturo, pareport nang pareport! Gusto kong sisihin 'yung gumawa ng exam, kung bakit sinali 'yung mga hindi naman pinag-aralan. Gusto kong sisihin sila Dean, kung bakit ganun 'yung passing rate, napakaano! Gusto kong sisihin lahat, lahat, lahat.. maging ang Diyos, kung bakit Niya nagawa sa'kin 'to gayong alam naman Niya ang hirap ko. Parang pinipigtas 'yung puso ko, tinutusok dahan dahan hanggang sa hindi na gumana. Ang lupit. Ang sakit, sakit, sakit, sakit!

Wala akong masandalan. Hindi ko rin naman maabala 'yung iba kong mga kaklase kasi wala rin naman silang magagawa eh, aabalahin ko pa sila. Kaya ayun, nagpunta ako sa simbahan kahit hindi naman ako palasimba. Palibhasa weekday (hindi ko matandaan 'yung eksaktong araw), kaya wala masyadong tao. Kinausap ko 'yung Diyos kahit galit ako sa Kanya. Tapos bigla ko 'tong nakita sa bulletin board katabi 'nung mga picture ng candidates for Miss Ano, nakalimutan ko.

"There is a time for everything, and a season for every activity under heaven"

-Ecclesiastes 3:1.

Tapos tinitigan ko lang 'yun. Bigla kong naisip, baka nga hindi ko pa pala talaga oras. Hindi pa ako handa.

Hindi ako makapaniwala sa sarili ko, bigla kong inisip lahat-lahat kung bakit nga ba wala nang ibang pwede pang sisihin sa pagbagsak ko kundi ang sarili ko mismo. Alam ko naman na hindi naman talaga nagtuturo masyado 'yung prof namin, hindi pa ko nagpursige para aralin 'yung mga hindi niya naturo. Marami akong hindi maintindihan na lessons, pero hindi ko pa rin masyadong inaral nang husto. May mga pagkakataon din na binigyan ko pa rin ng oras ang pag-iinternet kahit alam ko naman na sobrang ang dami pang dapat aralin. Pero bukod dun, marami talagang lessons na nahirapan ako nang husto. Alam ko nagsikap ako - pero, ibinigay ko na nga ba ang lahat lahat nang makakaya ko? Sa kasamaang palad, mukhang "hindi" ang sagot ko.

Hanggang sa unti-unting kumalma ang puso ko. Tinanggap ko ang lahat.

Umuwi ako sa bahay at humarap sa Mama ko. Wala siyang ibang sinabi, niyakap niya lang ako habang umiiyak ako tapos sabi niya, "Okay lang, 'nak. Okay lang."

Pagkatapos ng ilang araw, nabalitaan ko may mga magpoprotesta daw laban sa evaluation exams. Kasama na daw mga magulang. Isama na daw kasi malakas ang pwersa ng mga magulang. 'Nung una, medyo naengganyo ko.. kaso mga 3 minutes and 52 seconds lang. Naisip ko kasi bigla, wala naman akong nakikitang mali sa mga nangyari - bakit ako sasama? Siguro sa mga makakabasa nito, sasabihin sa'kin, hindi ako nagbabasa ng mga memorandum something, mahina ang loob at sumusuko na lang basta-basta. Pero kasi, ayokong grumaduate nang dahil lang sa "pinilit" akong maka-graduate. Ayokong mag-martsa papunta sa stage para kunin ang diploma nang alam ko naman sa sarili ko na bagsak ako, kahit may kung anumang mali sa passing rate, bagsak pa rin ako. Ayokong ipagmalaki ang sarili ko sa iba na nakagraduate ako nang dahil lang sa mga grades na pasang-awa. Ayokong isama 'yung magulang ko sa pagpoprotesta sa isang bagay na alam ko namang ako mismo ang may pagkukulang. Gusto ko gagraduate ako sa tamang panahon - sa panahon na alam kong handang handa na ako at makakaya ko nang panindigan ang sarili ko sa board exam. Dahil sa pagbagsak ko sa evals, mabibigyan pa ako ng pagkakataon na paghusayan pa at mahasa nang maayos ang utak ko. Kahit pa nakakalungkot isipin na mahuhuli ako ng kaunti at hindi ko kasabay 'yung mga malalapit kong kaibigan sa oras ng hagisan ng toga, tatanggapin ko. Kung ito ang paraan para mabigyan ng mas matibay na pundasyon ang mga pangarap ko, tatanggapin ko.

Kaya para sa'kin, anti-estudyante nga talaga ang Evals... anti-estudyante kung hindi ito ipapatupad.

P.S.

Gagraduate man o hindi, Congratulations sa ating lahat! :)




Credits: Maria La Derpina; https://www.facebook.com/#!/notes/maria-le-derpina/kung-bakit-anti-estudyante-ang-evals/3600820348841


Gladys/22 years old/Philippines

Im beyond your peripheral vision and aiming for art school.Im a provinciana girl at heart. I do think too much and contradicts myself most of the time.The internet doesn't speak for itself. There's more than meets the eye.